Saturday, April 4, 2009

Kumusta Na Po Kaya Sila?

Abandoned Elders at Bahay Pag-ibg

Ang pangyayaring naganap noon Ika - 14 ng Pebrero 2009 sa Bahay Pag-Ibig ay isang karanasang nagbigay ng ligaya at kahulugan sa aking paglalakbay sa buhay. Isang karanasang kailanman ay mananatili sa aking puso dahil ito ay nagbigay ng isang katuparan sa hangarin at adhikain ng grupong Cybercare. Ang hangaring makatulong sa mga nangangailangan ng kalinga, pagmamahal at pagtugon sa mga simpleng pangagailangan ng mga lolo at lola ay aming nabigyan ng panahon at pansin sa Araw ng mga Puso.

Magkahalong lungkot at saya ang aking nadama noong araw na iyon. Saya dahil sa nakapiling ko ang grupo ng Cybercare sa isang proyekto sa pagbibigay ng tulong sa kapwa na nagbigay ng lubos na ligaya sa aking puso na makitang nakangiti at natuwa ang mga lolo at lola sa Bahay Pag-ibig. Lungkot dahil sa nakita kong katayuan ng mga matatandang inabandona na ng kanilang mga pamilya.Kahit hindi sila magsalita, batid ng aking puso ang nasa kanilang damdamin. Kung titignan mo ang bawa't isa, me lungkot na nakakubli sa kanilang mga mata, at mararamdaman mo na mayroong lumbay sa kanilang buhay..

Ang makita ang iba sa kanilang nakahiga nalang dahil hindi na nila kayang bumangon pa ay nagbigay ng kirot sa aking puso. Pinilit kong pinigil ang aking mga luha sa gilid ng aking mga mata, at itinago sa aking puso ang lungkot at pighati na aking nadama sa mga oras na iyon....dahil sa katayuan nila na aking nakita. Awa ang aking naramdaman dahil hindi ko lubos maintindihan kung bakit ganon ang kanilang kinasadlakan.

Sa paglipas ng araw, di ko maiwasang tanungin ang aking sarili...Kumusta na nga kaya Sila? Paano nga ba kaya ang araw-araw na buhay ng mga lolo at lola? Kumusta na kaya si Lolo Tano? Kumakanta pa rin ba s'ya paminsan minsan? Sino kaya ang umaakay sa kanya dahil sa s'ya nga ay isang bulag. Tandang tanda ko pa noong nandoon kami, kailangan pang sabihin ni Dhong na ang inabot sa kanya ay mamon dahil nga sa s'ya ay di nakakakita.

Isang pagpapala at nakapagbigay ng galak sa aming mga puso ang marinig ang sinabi ni Lola Pacing ng sabihin n'yang ipagdarasal n'ya kami sampu ng aming pamilya upang kami ay patuloy na pagpalain sa aming mga ginagawa. Natuwa si Lola sa kanyang bagong rosaryo at mga istampitang nakapaloob sa kanyang supot kasama ang iba pang personal na gamit na aming pinamigay.

Kumusta na kaya sila? Siguro sa ngayon ubos na ang binigay naming mga biskwit, mga candy, at mga noodles. Oo nga't sa araw ng iyon sila ay aming nabigyan ng panahon at tulong....napakain ng pancit puto at kutsinta at napainom ng juice, ngunit di pa rin maalis sa aking isipan ang kanilang katayuan...Kung me magagawa nga lang sana ang grupong Cybercare upang patuloy naming tugunan ang ilan sa kanilang pangangailangan...siguro kahit papano maiibsan ang lungkot at pighati na kanilang nararamdaman.

Sa aming mga lolo at lola, nais ko pong ipabatid sa inyo, na sa puso ko at isipan alam kong magtatagpo pa pong muli ang ating mga landas...babalik po kami sa inyo...dahil kayo ang nagpadama ng tagumpay sa aming hangarin sa buhay. Kayo ang nagbigay saysay at kahulugan sa aming adhikain na makatulong sa kapwa. At dahil dito, nais naming iparating sa inyo ang taos pusong pasasalamat.


Maraming Salamat Po!

2 comments:

  1. ang pagtulong sa kapwa ay isang katangian na di mababayaran ng kahit sino..sa pagbasa ko sa iyong sinulat ako'y lubos na nasiyahan dahil sa munting tulong, saya at pagpapahalaga sa mga nakakatanda ikaw ay tunay na may puso. di ka lang KAPUSO ikaw ay isa ring KAPAMILYA...saludo ako sa iyong angking kagandahang loob di lang sa panlabas kundi pati sa kailaliman at kaibuturan ng iyong pagkatao...


    yhene

    ReplyDelete
  2. hmmm...now ko lang nabasa to ulit...thanks for the kind words sis...miss yah...muaaah....

    ReplyDelete